Ang Kasaysayan ng Kongregasyon ng IEMELIF sa Bonuan, Lungsod ng Dagupan
Ang kasaysayan ng pagkakatagag ng kongregasyon ng IEMELIF sa Bonuan, lungsod ng Dagupan ay may malaking kaugnayan sa pinasimulang misyon ng Iglesia Evangelica Metodista En Las Islas Filipinas sa Pangasinan at sa kahilagaan bago sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig. Ito rin ay may mahalagang papel na ginampanan upang muling ipagpatuloy ang gawaing pagpapalaganap ng IEMELIF sa Pangasinan pagkatapos ng 2nd World War. Makabubuti marahil ang pagbabalik tanaw sa nakaraang kasaysayan upang makita ang katotohanan sa kasalukuyan at magkaroon ng liwanag ang hinaharap.
Ayon sa nakalap na records, bago dumating ang digmaang pandaigdigan, meron nang ginagawang pagpapalaganap ang Iglesia sa bayan ng Binalonan, Pozorrubio, at Malasiqui, Pangasinan. Subalit ang gawain ay napahinto dahil sa naging mahirap ang paglalakbay noong panahon ng digmaan. Matapos ang digmaang pandaigdig nanumbalik ang kapayapaan subalit hindi rin gaanong napahalagahan ang pagpapatuloy ng misyon sa kahilagaan dahil sa kakulangan ng pondo at naging abala ang Iglesia sa pagtayo ng mga kapilyang nawasak ng panahon ng digmaan. Bukod sa rito, kakaunti ang manggagawa upang isugo sa kahilagaan.
Noong taong 1969, ang Ptr. Benito Chavez ay naging isang retiradong manggagawa ng Iglesia dahil sa pagkawala ng kanyang paningin. Pagkatapos na siya ay sanayin ng pamamahala sa Vocational Rehabilitation and Training Center kasama ang isang grupo ng mga social workers ay isinugo ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development sa lungsod ng Dagupan upang itatag ang Rehabilitation Center para maging isang pasanayan ng mga maykapansanan. Bilang isang pastor retirado, hindi nakalimutan ng Pastor ang tungkuling isinakbat sa kanya ng Panginoon. Inumpisahang bahaginan ng Ptr. Chavez ang mga kliyenteng may kapansanan at tinuruan sila ng pag-awit ng imno at mga awiting spiritual. Natuklasan ng marami na may ilang mga kliyente and may magagandang tinig na nakakahikayat at nagdudulot ng inspirasyon sa marami. Unti-unting ipinahayag sa kanila ng nasabing mangagawa ang daan na kaligtasan.
Sa liwanang ng katotohanang ito, ang munting pulutong na may magagandang tinig ang nagbigay daan para ang Magandang Balita ay maipahayag sa nayon ng Maambal, Don Benito, Pozorrubio, Pangasinan sa tulong ng kapatid na Justo Ibanez na ngayon ay namamayapa na. Lumaganap ang Salita ng Dios at noong ika-9 ng Mayo 1965, natatag ang kongregasyon ng Maambal. Dinaluhan ito ng ilang manggagawa ng Iglesia sa pangunguna ng Obispo Lazaro Trinidad, Rev. Ezekiel R. Zamora, Rev. Pedro Rada. Muling nabigyan ng destino ang Ptr. Benito Chavez. Ang munting grupong ito mula sa Dagupan ay may malaki ding bahaging ginampanan sa pagpapalaganap ng Magandang Balita at pagkakatagag ng Don Benito, Pozorrubio at Lareg-lareg, Malasiqui, Pangasinan sa tulong ni Rev. Ignacio Reyes, isang misyonero mula sa pangasiwaan ng Iglesia.
Noong Nobyembre 1979 ang kagalang-galang ng Obispo George Castro na noon ay Sekretaryo Heneral ng IEMELIF ay dumalaw sa mga kapatiran sa Bonuan. Napansin niya na ang lungsod ay may magandang lokasyon; madaling nararating ng lahat ng uri ng sasakyan, sentro ng kalakalan at turismo na kung saan ay tinatayuan ng malaking dalubhasaan at pamantasan. Dahil sa liwanag ng katotohanang ito, ipinayo niya na ang munting pulutong ng mga kristiyano sa Bonuan ay dagliang itatag. Noong Disyembre 22 ng taong 1980 ay itinatag ang Iglesia sa Bonuan, lungsod ng Dagupan.
Nahalal na pamunuan ay ang mga sumusunod:
1. Atty. Rodrigo Cosme Pangulo ng Lupong Pamunuan
2. Vivencia Mueco Chavez Pangulo ng Misyon
3. Josefina Sante Kalihim
4. Ester Caspillan Ingat-Yaman
5. Amado Cayabyab Kagawad
Ptr. Benito M. Chavez - itinalagang Pastor
Ang bagong tatag na kongregasyon ay dumanas ng maraming pagsubok. Nagpalipat-lipat ng dakong pinagdarausan ng pagsasamang-kristiyano at pananambahan. Sa Sitio Pinagpanawan, pinagbawalan sila ng may-ari ng lote na magdaos ng pananambahan sa bahay na inuupahan ng mga kapatid. Kaya't napagkaisahan at napagpasyahan nila na sa tahanan na lamang ni Ptr. Chavez idaos ang gawain at banal na pagtitipon at kung minsan ay sa tanggapan ng DSWD ginaganap kung may natatanging okasyon.
Noong ika-15 ng Hulyo taong 1990, linggo ng gabi, nagkaroon ng maalab na panalanginan ang munting Iglesia. Sila'y namanhik sa Dios na kanilang masunod ang Kanyang kalooban. Taimtim na hiniling sa Panginoon ang Kanyang tulong at habag at kalinga upang makapagpatuloy ang bawat isa sa paglilingkod. Kinabukasan, araw ng Lunes, ganap na ika 4:30 ng hapon ay nayanig ng nakamamatay na lindol ang Central at Northern Luzon. Gumuho ang malaking gusali sa Cabanatuan, ang ipinagmamalaking Hyatt Hotel sa Baguio, at ang malalaking commercial establishment sa lungsod ng Dagupan ay lumubog na halog 3 - 4 metro. Bukod dito, bumuka ang lupa sa maraming dako at dinaluyan ng napakainit na tubig mula sa kailaliman. Sa pangkaraniwang interpretasyon, hindi naging maganda ang katugunan ng Dios sa panalangin ng munting pulutong ngunit sa katotohanan, ito ang naging daan upang tumibay ang pananalig ng marami sa Dios. Ito rin ang naging daan upang mabuksan ang kanilang pagkaunawa na ang Diyos na ito ay makapangyarihan at malakas ay dapat katakutan, ibigin at sambahin sa lahat ng panahon. Dahil dito, ang ating mga kapatiran sa Bonuan ay nagpatuloy na dumulog sa Trono ng Biyaya at humiling sa Panginoon sapagkat pagkaraan ng isang taon, sila'y nakabili ng lote at nakapagpatayo ng isang bahay-dalanginan at bahay-sambahan na itinalaga noong Disyembre 3, 1994. Buhat noon sa pangunguna ng Banal na Espiritu, sila'y nagkaroon ng Misyon sa Sta. Ines, Sta. Ignacia, Tarlac na ngayon ay isa nang kongregasyon. Nang sumunod na taon March 22 - Abril 21, naibahagi ang Magandang Balita sa Pao, San Jose Tarlac na ngayon ay isa na ring kongregasyon.
Sa tulong ng mga kapatid sa Australia, nabuksan din ang Misyon sa Buatan at Sobol, San Fabian, Pangasinan noong taong 1996-2000 at marami ang nahikayat sa dakong ito.
Bukod dito, kinasangkapan din sila sa pagbubukas ng misyon sa Paliwa West, Urdaneta Pangasinan at Asingan Pangasinan na pinangunahan ng Bro. Junard Cayabyab na isa ring naging manggagawa na galing sa kongregasyon ng Bonuan.
Sa lingap ng kapangyarihan ng Dios ay naipailalim sa pamamahala ng IEMEIF Reform Movement ang kongregasyon ng Bonuan noong taong 2003.
Tunang na kahanga-hanga ang Panginoon sapagkat ang Kanyang kalikasang hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Dios ay maliwanang na inihahayag ng Kanyang kagila-gilalas na gawa at pagpapalang ginagawa kahit sa mga mahihina at may kapansanan. Tunay na sa Dios ang lahat ng PAPURI!
Nagmula sa Kongregasyon ng Bonuan ang mga sumusunod na manggagawa:
1. Rev. Andy Ramos ng IRM
2. Ptr. Ernesto Gatchalian
3. Ptr. Benson Chavez - nakadestino sa Nagusbu, Batanggas
4. Ptr. Richard Caspillan - nakadestino sa Bonuan at pinasisimulang muli ang misyon sa Sobol, San Fabian, Pangasinan
5. Deac. Amor Ibanez - Pangulo ng IRM Bible College at Principal ng isang secondary school ng Iglesia sa Nueva Ecija.
6. Deac. Charity Gurapo - deakonesa sa lungsod ng Pasay